20 MILF Fighters Killed by BIFF in Maguindanao and North Cotabato
20 MILF killed by BIFF in clashes in Maguindanao and Cotabato - February 21, 2015. At least 20 MILF fighters died during the fight with BIFF.
20 MILF, patay sa pakikipagbakbakan sa BIFF; higit 20,000 residente, lumikas
Umakyat na sa mahigit 20,000 indibidwal ang lumikas dahil sa patuloy na bakbakan ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) at Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) sa mga bayan ng Pagalungan, Maguindanao at Pikit, North Cotabato.
Batay sa tala ng mga lokal na pamahalaan, nagmula ang mga apektadong residente sa mga barangay ng Kalbugan at Bago-Inged sa Pagalungan, Maguindanao; at sa mga barangay ng Kabasalan, Barongis, Rajamuda, Buliok at Bulol na sakop ng Pikit, North Cotabato.
Halos isang linggo na ring walang pasok ang 14 paaralan sa dalawang bayan, na ginamit bilang evacuation center o inokupa ng mga armadong MILF.
Sinasabing nagkainitan ang dalawang grupo dahil umano sa utos ni Cotobato Gov. Lala Taliño-Mendoza sa MILF na itaboy mula sa North Cotobato ang BIFF. Una na itong itinanggi ng gobernador at idiniing personal na alitan ang dahilan ng sagupanan ng dalawang grupo.
Samantala, batay sa ulat ng Armed Forces of the Philippines (AFP) 602nd Brigade at Philippine National Police (PNP), umabot na sa higit 20 MILF combatants ang napatay sa mga engkwentro.
Kuwento ng MILF combatant na si 'Burgo', patuloy pa rin ang panaka-nakang putukan sa pagitan nila at ng BIFF, at pinapagitnaan lamang anya ng isang ilog ang dalawang grupo.
"Mahirap talaga, walang tulugan...Tapos ang BIFF, ang dami nilang baril. 'Yung mga baril nila may mga night vision. Sa amin puwede kami mag-snipe pero walang night vision. Tapos naghuhukay kami sa lupa para doon kami magtago."
Bukod sa matataas na uri ng armas, armado rin anya ng mortar at improvised explosive device ang BIFF.
Sinalungat naman ito ni BIFF Spokesperson Abu Missry Mama, sabay tanggi na sila ang nagtanim ng mga bomba sa bayan ng Pikit.
Dagdag ni Mama, wala siyang natanggap na ulat ng nasawi sa kanilang panig at "kung meron na, i-announce natin 'yan sa buong mundo."
No comments: