Followers ng Nas Daily patuloy ang paglagas matapos ang kontrobersya kay Whang-Od


TATLONG araw na ang nakakalipas nang pumutok ang kontrobersiya na kinasasangkutan ni Nuseir Yassin na mas kilala bilang Nas Daily at national artist na si Apo Whang-Od.

Ayon sa CrowdTangle, isang Facebook analytics tool, nagsimula noong Agosto 4 ang paglagas ng followers ng Nas Daily.

Mula sa 20.99 million followers nito noong Agosto 3, naging 20.46 million na lamang ito ngayong Agosto 7 at patuloy pang bumababa habang sinusulat ang artikulong ito.

Agosto 4 ang petsa kung kailan nagsalita ang pamangkin ni Whang-Od na si Gracia Palicas laban sa Whang Od Academy, isang kurso na ino-offer ni Nas sa kanyang Nas Academy.

Patungkol ang pahayag ni Gracia sa pagiging “scam” ng Whang-Od Academy dahil wala raw pinirmahan ang kaniyang lola na kontrata at isa itong pagsasamantala sa kanilang kultura.

Naglabas naman si Nas ng 22-second video sa kanyang Facebook page para patunayan na may kontrata umanong pinirmahang si Whang Od na gamit ang thumbprint.

Noong Hunyo nang ianunsyo ni Nas ang paglulunsad nito ng Nas Academy kung saan makikipag-collab siya sa iba’t ibang personalidad upang ibahagi ang kanilang karanasan at kaalaman sa industriya na kanilang kinabibilangan. Kasama na nga rito si Apo Whang-Od.

Matapos naman ang kontrobersiya kasama si Whang-Od, isang Filipino social entrepreneur naman ang nagbahagi ng karanasan nito nang makasasama si Nas taong 2019.

Kasalukuyang nagsasagawa ng imbestigasyon ang National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) – Cordillera Administrative Region (CAR) tungkol sa umano’y kongresta nina Whang-Od at Yassin sa Nas Daily.

The post Followers ng Nas Daily patuloy ang paglagas matapos ang kontrobersya kay Whang-Od appeared first on Bandera.

No comments:

Powered by Blogger.