Karen kampi kay Isko: Sana lang wala nang ganitong pang-iinsulto porke kalaban sa 2022!?

Isko Moreno at Karen Davila

DUMARAMI pa ang mga taong nagtatanggol kay Manila City Mayor Isko Moreno matapos ang pa-blind item na patutsada umano ni Pangulong Rodrigo Duterte laban sa actor-turned-politician.

Pagkatapos dumepensa si Cavite Governor Jonvic Remulla at pumabor kay Isko, nagsalita na rin ang broadcast journalist na si Karen Davila hinggil sa muling pagkalat ng sexy photos ni Yorme sa social media.

Ni-repost ni Karen sa kanyang Twitter account ang video kung saan nga nagsalita ang Pangulo tungkol sa isang alkalde sa Metro Manila, “Kayong mga Pilipino, huwag kayong magpaloko diyan sa mga—mga padrama magsalita pati kung…

“Nakita ko nga sa Facebook kanina, lahat nang naka-bikini ang gago, tapos may isang picture pa doon na sinisilip niya yung ari niya. Iyan ang gusto ninyo? Ang training—ang training parang…para lang, parang call boy.

“Naghuhubad, nagpi-picture, naka-bikini tapos yung garter tinatanggal niya, hinila niya tiningnan niya yung… Dapat magsali… magsama sila ni ano ni Paredes,” sabi pa ni Duterte na ang tinutukoy ay ang veteran singer na si Jim Paredes na nasangkot sa isang video scandal noong April, 2019.

Hindi man binanggit ng Pangulo ang pangalan ng mayor marami ang naniniwala na ito’y si Isko. Narito ang tweet ni Karen, “Galing sa matinding hirap si Isko Moreno. Kailanman di niya ipinagkaila ang kanyang pinanggalingan.

“He has tried to better himself through the years & succeeded. Sana lang wala nang ganitong pang iinsulto sa kapwa porket kalaban sa 2022,” aniya pa.

Bukod dito, ipinost din ni Karen ang certificate na natanggap ni Isko para patunayan na hindi totoo ang alegasyon hinggil sa umanoy “disorganized” cash aid distribution process sa Manila.

“Manila City Government forwards a certificate of recognition this morning signed by DILG Secretary Año praising Mayor Isko Moreno for his timely distribution of ayuda. This, after the President criticizes it for chaotic distribution last night,” sabi pa ni Karen.

Nauna rito, ipinagtanggol din ni Jonvic Remulla si Isko, “Kahit kailanman ay hindi ipinagkaila ni Yorme ang kanyang nakaraan. Siya ay batang Tondo at nagsimula sa wala. Isang kahid, isang tuka.

“Sa palagay ko, ang nais lamang ni Yorme noong mga panahon na iyon ay ang maiahon ang kanyang pamilya sa kahirapan.

“Dahil sa kanyang pag-aartista, hindi maiiwasang maraming sensitibong larawan ang nagkalat sa internet ngayon. Ngunit lahat ng ito ay kuha noong siya ay nagsisimula pa lamang.

“YORME DID NOT DO THOSE PROVOCATIVE POSES WHILE IN OFFICE AS A RESPECTED COUNCILOR, VICE MAYOR OR AS THE CURRENT MANILA MAYOR.

“Kung ako ang tatanungin ninyo? Hindi ito isyu. What’s important is that Yorme NEVER LIED, DID NOT STEAL, KILL nor did he ever brought shame to the great people of Manila as a Public Servant.”

“Ang paghatol sa kalaban sa pulitika ay dapat tungkol sa kanyang kakayanan bilang Serbisyo Publiko at hindi paninira lamang base sa kanyang nakaraan o noong siya ay bata pa. Wala naman siya sa kapangyarihan o posisyon noong mga panahon na iyon.

“Hindi tama na tapak-tapakan ang nakaraan, paninindigan at reputasyon ng isang taong wala namang kalaban-laban.

“Ang paghuhusga ay ilaan na lamang po natin sa mga taong lumabag sa batas o siyang mga nagtraydor sa bayan. Yorme did not break any laws by joining showbiz in his youth nor by posing sexy in photos,” diin pa ng gobernador.

Samantala, hanggang ngayon ay hindi pa rin nagsasalita si Isko tungkol sa issue pero nagdenay na agad ang Malacañang.

Depensa ni Presidential Spokesperson Harry Roque, “I don’t know why you are bringing up the name of Isko Moreno. I don’t know that he was the one doing sexy poses.”

The post Karen kampi kay Isko: Sana lang wala nang ganitong pang-iinsulto porke kalaban sa 2022!? appeared first on Bandera.

No comments:

Powered by Blogger.