Dapat Alam Mo Ang Sintomas ng HIV Infection
Hindi lahat ng tao ay nakakaranas ng sintomas kapag sila ay nagkaroon ng HIV infection. Ngunit ang iba ay nakakaranas ng sintomas sa una hanggang tatlong buwan matapos makuha ang HIV infection. Ito ay dahil nagrereact ang iyong katawan sa dumadaming virus sa iyong sistema. Ito ang tinatawag na acute stage. Ang mga sintomas ay parang sa flu o trangkaso at maaaring magtagal ng ilang araw hanggang ilang linggo. Maaaring makaranas ng lagnat, namamagang mga kulani at pananakit ng katawan.
Kapag tumagal magiging chronic stage ang HIV infection at maaaring tumagal ito ng ilang taon. Mabagal na ang pagdami ng virus sa panahong ito. Kapag hindi ka uminom ng antiretroviral drugs maaaring mabilis na lumala ang sakit at mauwi sa AIDS. Narito ang ilang sintomas na lumalala na ang iyong infection. Maaaring dumami ang namamagang kulani, pabalik-balik na lagnat, laging pagod, masakit ang katawan, nahihilo at nagsusuka, nagtatae, bumababa ang timbang, may rashes sa balat at iba pang infection.
Kahit wala kang sintomas na nararamdaman, maaari pa ring maipasa ang impeksyon sa ibang tao kapag nakipagtalik ka. Mahalaga na magpasuri sa doktor upang malaman kung mayroon kang HIV infection. Mas maaga ang gamutan, mas masisiguro na bubuti ang iyong kalusugan. Bagamat wala pang gamot na nakakaalis ng HIV sa katawan, may gamutan para hindi ito kumalat at maprotektahan ang isang tao mula sa komplikasyon nito at kamatayan.
No comments: