Wansapanataym, the Only PH Program Nominated in International Kids Emmys

Muli na namang kinilala ang programang “Wansapanataym” sa international scene matapos nitong itayo ang bandera ng bansa bilang natatanging Filipino program na pasok sa listahan ng mga nominado para sa best TV movie/mini-series category ng 2017 International Emmy Kids Awards.




Kinilala ang episode ng programa na “Candy’s Crush,” na pinagbidahan ng Kapamilya stars na sina Loisa Andalio at Jerome Ponce. Umikot ang kwento nito sa dalagang si Candy (Loisa) na pinarusahan matapos gumamit ng magic potion upang paibigin ang campus heartthrob na si Paolo (Jerome). Ito ay sa ilalim ng direksyon ni Andoy Ranay at ipinalabas noong June 2016.

Makakalaban nito ang “Alleen op de Wereld (Nobody's Boy)” ng Netherlands, “Hank Zipzer's Christmas Catastrophe” mula United Kingdom, at “Little Lunch” ng Australia. Gaganapin naman ang awards show sa April 18, 2018.

Maliban sa “Wansapanataym,” umani rin ng nominasyon at nagtapos bilang finalist ang flagship news program ng ABS-CBN na “TV Patrol” sa 2017 International Emmy Awards for news and current affairs noong Oktubre 5.

Nominado rin sa top male acting honor category ang Kapamilya actor na si Zanjoe Marudo sa 2017 International Emmy Awards para sa kanyang mahusay na pagganap sa “MMK.” Ginampanan niya ang buhay ng ama na mag-isang binuhay ang kanyang mga anak habang nakatira sa isang kuweba.

Una nang nakatanggap ng nominasyon sa International Emmy Awards ang ABS-CBN para kay Jodi Sta. Maria (“Pangako Sa ‘Yo”) at “Bridges of Love” noong 2016, sa “Precious Hearts Romances Presents: Impostor” (Best Telenovela) noong 2011, “Dahil May Isang Ikaw” (Best Telenovela) at Sid Lucero sa “Dahil May Isang Ikaw” (Best Actor) noong 2010, at “Kahit Isang Saglit” (Best Telenovela) at Angel Locsin sa “Lobo” (Best Actress) noong 2009.

Hindi naman ito ang kauna-unahang nominasyon ng ABS-CBN sa news category. Noong 2011, kinilala ng award-giving body ang “TV Patrol” para sa coverage nito ng Luneta hostage crisis noong Agosto 2010. Nakakuha rin ng nominasyon ang weekend edition ng programa para sa pagbabalita nito ng kaganapan sa super typhoon Haiyan noong 2013.

Ang ABS-CBN newscast naman na “Bandila” ang kauna-unahang palabas sa bansa na nabigyan ng nominasyon sa International Emmys para sa episode nito tungkol sa Subic rape case noong 2006.

Samantala, patuloy din naman ang pagbabahagi ng kwentong puno ng aral ng “Wansapanataym” sa kasulukyang serye nitong “Louie’s Biton.” Naranasan na nga ni Louie (Grae Fernandez) ang buhay ng kanyang idolong si Ralph (Aljur Abrenica) gamit ang magic biton mula kay Mang Dolino. Ngunit ngayon naman, ang buhay naman ni Melissa (Louise Delos Reyes) ang kanyang gagamitin upang ayusin ang mga pagkakamaling kanyang nagawa.

Ano nga kaya ang kahahantungan ng plano ni Louie na pagsanib kay Melissa?

Huwag palampasin ang kwentong kapupulutan ng aral sa “Wansapantaym Presents: Louie’s Biton” ngayong Linggo sa ABS-CBN at ABS-CBN HD (SkyCable ch 167). Para sa karagdagang impormasyon, pumunta sa fb.com/dreamscapeph at i-follow ang @dreamscapeph sa Twitter at Instagram.

No comments:

Powered by Blogger.