Mga Dapat Gawin Kapag May Ubo
Payo ni Doc Willie Ong at Doktor Doktor Lads
Maraming sanhi na pinagmumulan ng ubo, tulad ng trangkaso, sipon, allergy, sigarilyo, pulmonya (pneumonia), namamagang tonsils at tuberculosis. Sa mga sanhi ng sakit na ubo ang pulmonya at tonsillitis ang nangangailangang inuman ng antibiotics.
Para naman sa mga pangkaraniwang dahilan ng ubo, narito ang dapat nating gawin:
- Uminom ng 8-12 basong tubig – Nakapagpapalabnaw ito ng madidikit na plema.
- Uminom ng mainit na salabat o sabaw ng manok – Ang mainit na sabaw ay nagpapaluwag din ng mga tubo natin sa baga.
- Itigil ang paninigarilyo – Iwas din sa mga bisyo.
- Uminom ng Vitamin C para lumakas ng ating immune system.
- Uminom ng tsaa na may honey at lemon. Mabisa ang honey sa pagkalma ng naiiritang lalamunan. Ang lemon ay may vitamin C.
- Umiwas sa mga bagay na nagdudulot ng allergy sa iyo – Maraming ubo ang nanggagaling sa allergy tulad ng usok, sa balahibo ng pusa at aso, sa matatapang na pabango, at sa mga pollen ng mga halaman.
- Magpahinga at matulog ng mahaba – Ito ang pinaka mabisang payo sa lahat para maka-recover ang iyong katawan.
- Gamot para sa tuyong ubo – Para sa nakaiistorbong ubo, uminom ng butamirate citrate (brand name Sinecod). Mabisa ito. Kung allergy naman ang dahilan ng ubo, puwede and Diphenhydramine.
- Isinga ang sipon. Suminga ng madalas para hindi tumulo ang sipon sa iyong lalamunan.
- Umiwas sa mausok na lugar – Sumakay sa mga air-con na bus at jeep. Huwag din gaanong maglakad sa lansangan. Umiwas din sa mga taong naninigarilyo.
- Lumanghap ng mainit at basang hangin (moist) – Pinapaluwag nito ang plema sa ating baga. Puwede kang magpakulo ng tubig sa iyong kuwarto. Puwede ka rin manatili sa banyo kung saan dumadaloy ang mainit na shower o gripo. Ang usok nito ay nagpapalabnaw ng iyong plema. Isa pang paraan ay ang paglanghap ng mainit na usok ng tubig sa ibabaw ng hugasan (sink) o sa kaldero.
- Kung may iniinom kang gamot na Ace-inhibitor para sa altapresyon – Puwede itong magdulot ng ubo. Ito ay ang mga gamot na nagtatapos sa salitang “-pril,” tulad ng imidapril, enalapril, at iba pa. Itanong sa iyong doktor.
- Maglagay ng 2 unan sa gabi – Kung may allergy ka o sipon, makatutulong ang paghiga ng medyo mataas at maglagay din ng unan sa ilalim ng iyong hita.
- Gamutin ang nangangasim na sikmura – Puwedeng magdulot din ng pag-ubo ang asido na galing sa sikmura. Gastroesophageal reflux disease (GERD) – Ang sakit na ito ay dulot ng pag-akyat ng asido ng tiyan (stomach acid) mula sa tiyan pataas sa esophagus (ang daanan ng pagkain mula sa lalamunan patungo sa tiyan). Dahil sa asidong ito, naiirita ang esophagus at napapaubo ang pasyente. May gamot na ibinibigay para mabawasan ang asido sa tiyan. Bawal din ang biglang paghiga pagkatapos kumain. Tumayo muna at maglakad. Makatutulong din kung hindi tayo magpapakabusog at luwagan din ang sinturon para hindi maipit ang tiyan.
- Magpabakuna laban sa pulmonya kung ika’y lampas ng edad 60.
No comments: