Huwag pauli-ulit na gamitin ang Mantika. Masama ito!
Marami sa atin ang guilty sa pag-ulit-ulit na paggamit ng mantika. Kapag nag-pi-prito ng pagkain, itinatago ang sobrang mantika at ginagamit ulit sa pag-prito ng ibang pagkain. Minsan maitim at maamoy na ang mantika ay sige pa rin ang paggamit.
Kaibigan, masama po sa kalusugan ang paulit-ulit na paggamit ng mantika. Ayon sa pagsusuri, may lason (toxin) na nakikita sa mantika na inulit-ulit. Ang tawag sa toxin ay HNE (4-hydroxy-trans-2-nonenal) at ito ay posibleng magdulot ng kanser, at sakit sa puso, utak at atay.
Tamang Paggamit ng Mantika:
- Gamitin lang ng 1 o 2 beses ang mantikang pang-prito. Huwag ito ulitin ng maraming beses.
- Kapag ang mantika ay inulit-ulit, nangingitim ito at nangangamoy luma. Minsan may pagkain pang naiiwan sa mantika. Itapon ang lumang mantika.
- Konti lang ang mantikang gamitin sa pag-prito para hindi manghinayang itapon ito.
- Huwag ihalo-halo ang mga tirang mantika. Masama ito at madaling mapanis ang mantika.
- Itago ang cooking oil sa malamig at malinis na lugar. Nasisira din ito sa katagalan.
Payo Sa Pagluto
- Sa mga misis, mas mainam na magpakulo, magbeyk, maghurno o mag-ihaw na lamang kaysa sa magprito.
- Para maging healthy, itapon ang mantikang lumabas sa karne habang niluluto ito. Hiwain at tanggalin ang taba sa karne. Mataas ito sa kolesterol at puwedeng magdulot ng atake sa puso.
- Huwag ibalot sa maraming breadings ang karne o hipon (sa Tempura). Puwedeng maiwan ang mga breadings sa mantika at ito ang maging dahilan ng pagkasira nito.
- Pagkatapos magprito ng pagkain, patuluin ang mantika bago ilagay sa plato . May dagdag calories ang mantika at nakatataba ito.
- Kung may sakit sa puso o mataas ang kolesterol, puwedeng gumamit ng tissue paper para idampi sa pritong pagkain at ma-absorb ang sobrang mantika.
- Kaibigan, alagaan ang ating katawan. Magluto ng tama at kumain ng masustansya. Umiwas sa peligro ng lumang mantika.
No comments: