Hunk Aktor, Isa Nang Ganap Na Volunteer Firefighter!


Isa nang ganap na volunteer firefighter o bumbero ang Kapuso actor na si Wendell Ramos matapos itong sumailalaim sa pagsasanay ng ABP o Ang Bumbero ng Pilipinas.

Sa ibinahaging Instagram Post ng aktor nitong ika-29 ng Hunyo, inanunsyo nito ang magandang balita ng pagsailalim nito sa naturang pagsasanay.

Bagama’t masaya sa bagong karangalan na naabot, aminado si Wendell na marami pa umano siyang dapat na matutunan.

“It was really an Honor to train and be a certified ABP #angbumberongPilipinas but to be honest, I need to learn and experience more…,” saad pa ng aktor.

Sa naturang post, ibinahagi rin ng aktor ang kanyang pagsaludo sa mga bumbero ng bansa. Aniya,


“It’s truly a humbling experience for me. At sa inyo pong lahat na mga bumbero ng pilipinas… #saludo po ako sa inyong lahat. Mabuhay po ang ABP nating lahat!”

Inulan naman ng maraming pagbati ang aktor para sa katatapos niya lamang na pagsasanay. Marami ang natuwa sa ginawang ito ni Wendell na umano’y makabuluhan.

Ilang araw lamang matapos ibahagi ni aktor ang pagiging bumbero nito, sumabak na agad si Wendell sa unang pagkakataon ng pagresponde nito sa isang sunog.

Isa si Wendell sa mga bumbero na rumesponde sa sunog na naganap sa Valenzuela City. Naganap ang naturang sunog nito lamang Huwebes, ikalawang araw ng Hulyo.

Ayon sa mga ulat, ang naturang sunog ay naganap sa isang pabrika sa Valenzuela City kung saan, nasa halos Php 15 milyon umano ang halaga ng napinsala.

Ang naturang sunog ay inabot umano ng pitong oras bago naapula kaya ganoon kalaki ang halaga ng naging danyos.


Dahil sa naging karanasan, hindi maiwasan ni Wendell na maawa umano sa mga naapektuhan ng naturang sunog. Sa kanyang Instagram account, muling ibinahagi ng aktor ang kanyang karanasan sa unang beses na pagresponde nito isang sunog.

“Felt sorry for the people and the community we responded today.

“First day of duty as a volunteer firefighter. Mixed emotions... But I am thankful for the guidance of my fellow,” ani pa dito ni Wendell.

Aminado rin ang aktor na kinabahan ito sa unang beses nitong pagsabak sa ganoong sitwasyon. Ngunit, dahil na rin sa kanyang mga kasamahang bumbero ay nawala rin umano ang naturang kaba na kanyang naramdaman.

“When you're working as a team and alam mo 'yung mga kasamahan mo hindi ka iiwan, at alam n'yong tama 'yung ginagawa n'yo para may mailigtas kayo, may matigil kayong disaster, gagawin nyo po lahat,” dagdag pa ng aktor.


Ang ABP ay isang organisasyon na naglalayong pag-isahin ang mga bumbero sa Pilipinas at makapagbigay ng bagong mga impormasyon sa iba’t-ibang grupo ng mga bumbero sa bansa.

Hindi lamang si Wendell ang artista na nagdeisyong sumailalim sa isang pagsasanay ngayong naka-lockdown. Ang mga artistang sina Beauty Gonzales at Arci Munoz ay ilan din sa mga artistang nagdesisyong magsanay sa iba’t-ibang mga organisasyon.

Si Beauty ay sumailalim sa isang pagsasanay sa Special Operations Unit (SOU) ng Philippine National Police-Aviation Security Group habang si Arci naman ay nagsanay upang maging isang reservist ng Philippine Air Force.

Source: kickerdaily

No comments:

Powered by Blogger.