Hidylyn, Nesthy, Carlo at Eumir: wagi vs kahirapan
Sino ang makakapagsabi na sa nakaraang 123 years, meron na tayong apat na medalya sa Tokyo World Olympics? At pinakamatindi, ang mga naghatid ng karangalan, sina Hidylyn Diaz, Nesthy Petecio, Carlo Paalam at Eumir Marcial ay lahat galing sa matinding kahirapan. Talagang ibang klase si Lord.
Isipin niyo, si Hidylyn ay anak ng tricycle driver sa Bgy Mampang, Zamboanga city. Bukod sa nag-iigib siya ng timba-timbang tubig sa kabilang baranggay sa layong 300 meters sa kanilang bahay, nagtinda rin siya ng gulay at isda noong siya’y elementarya. Apektado rin at naghirap siya nang maging ground zero ang kanilang baranggay noong 2001 MNLF rebellion.
Si Nesthy naman ay anak ng mag-asawang magsasaka sa isang maliit na lupa sa Bgy Sta Cruz, Davao del Sur. Dahil isang kahig-isang tuka at kapos ang kinikita, nabaon sa utang ang pamilya para lamang makakain. Napilitang sumali si Nesthy sa mga paboksing kahit mga lalake ang kalaban para makabili lang ng pambigas sa pamilya.
Si Carlo Paalam ay pitong taong gulang pa lang, lumaban nang suntukan sa backyard boxing, nanalo naman at nakabili rin ng ng bigas sa kanyang magulang. 9 years old na siya nang maging “scavenger” o mangangalkal ng basura sa city dumpsite sa Upper Dagong, Bgy. Carmen sa Cagayan de Oro city.
Samantalang si Eumir Marcial, ay galing naman sa pamilya na boksing ang hanapbuhay sa Bgy. Lunzuran, Zambanga city. Sa murang edad na 15 lumalaban na siya at nagkampeon ng gold medal sa 2nd World Junior boxing championships sa Kazakshtan noong 2011. Tinalo niya ang mga taga-Armenia, Azerbaijan, Belarus at ang Turkey sa finals. Tumanggap siya ng P300,000 reward noon kay MVP at ginamit ito ng pamilya para dito na manirahan dito sa Metro Manila.
Lahat ng kwentong ito ay nagsisilbi ngayong inspirasyon ng maraming Pilipino. Pero, hindi sandali ang mga paghihirap na ito. Matagal at maraming beses silang umiyak at maraming beses ba muntik nang sumuko.
Ngayong , naitawid nila ang karangalan, angkop lamang na anihin nila ang mga gantimpala ng tagumpay. Mabuti naman at nag-iingat na sila. Alam nila ang problema sa paghahabol sa mga pangako ng pribadong sektor at gobyerno. Sabi nga, mahirap nang maulit ang nangyari kina 1996 Atalnta Olympics silver medalist Onyok Velasco at World Universiade chess champion Wesley So.
Si Onyok ay pinangakuan ng P2.5M ng mga kongresista noong 1996 sa panahon ni Speaker Jose de Venecia, pero walang natanggap. Binigyan siya ng bahay at lupa ng isang negosyante pero hanggang ngayon, walang pang titulo. May P10,000 monthly allowance daw pero isang taon pa lang, tigil na. Isang bangko rin ang nangako ng P250,000 pero wala rin.
Ganyan din ang nangyari kay US open chess champion Wesley So, tubong Cavite at nanalo sa 2012 Summer Universiade sa Kazan, Russia. Ayon sa Athletes and Coaches incentives law na itinulak ni Sen. Robert Jaworksi, magbibigay ang gobyerno ng P1-M kay So, pero ito’y naipit sa pulitika sa Malakanyang sa panahon ni Pnoy. Ngayon, US citizen na si Wesley So, ulit-ulit niyang binabanggit ito.
Sana naman, hindi maulit kay Hidylyn Diaz na merong mga pangakong lalampas ng P50M. Si Nesthy tatanggap daw ng P17M cash at may condo sa Davao at house and lot sa Candelaria Quezon
Tatanggap din ng P7M cash si Eumir Marcial at mga libreng bihaye sa eroplano. Samantalang si Paalam ay posible rin sa P50M kung gold medal ang makuha at pareho din ng kay Nesthy Petecio -17M kung silver.
Sa totoo, marami pa tayong babantayan lalo na sa mga pangakong pinapako ng mga donors. Kung magka-onsehan, taumbayan mismo ang magagalit. Dahil ito’y maliwanag na pang-aapi na naman sa mga mahihirap!
The post Hidylyn, Nesthy, Carlo at Eumir: wagi vs kahirapan appeared first on Bandera.
No comments: