Pagtakbo ni Coco sa Eleksyon 2022 hindi tuloy; Julia mala-Black Widow ang training para sa ‘Probinsyano’
NABALITA kamakailan na kakandidato si Coco Martin sa 2022 na sa tingin namin ay hindi totoo dahil kasalukuyan pa rin siyang nagte-taping para sa “FPJ’s Ang Probinsyano” sa Ilocos Sur.
Hindi binanggit ng aming kausap kung saan ang saktong location pero mahabang lock-in shoot daw ito na kung hindi siya nagkakamali ay aabutin ng isang buwan kasama na ang dagdag na cast ng serye.
Sa madaling salita kung kakandidato si Coco, paano niya maaasikaso ang pangangampanya, e, mas abala siya bilang direktor-actor ng kanyang aksyon serye?
Bakit napunta sa Ilocos Sur ang shoot, tanong namin sa source, “Kasi sa habulan nila ng mga kalaban doon sila napadpad na at hanggang December sila sa Ilocos, uuwi lang every month.”
Si Rosanna Roces gaganap na nanay ni Julia Montes sa serye na Mara ang karakter habang si Joseph Marco naman ang gaganap na ex-boyfriend ng aktres.
Sa madaling salita, pagkatapos ni Richard Gutierrez bilang si Lito na karibal ni Coco ay si Joseph naman ngayon ang magiging mortal niyang kaaway.
Walang binanggit kung hanggang kailan mapapanood ang karakter ni Richard sa “Probinsyano” pero ang sigurado ay sa Setyembre na lalabas si Julia sa kuwento.
Samantala, nag-post ng video ang CocoJuls4ever fan club ni Julia kung saan ang peg daw ng training niya ay katulad ng stunts na ginawa ni Scarlett Johansson sa pelikulang “Black Widow” at in fairness, hawig din ang dalawang aktres.
Ang caption ng video post ay, “Julia Montes x Black Widow. Ito talaga ‘yung mga scenes na naalala ko the moment I watched Julia’s stunt video. Pasensya kung hindi sync ‘yung scenes. Pero grabe talaga, lalo na sa corridor scene. Our very own ScarJo/Natasha Romanoff/Black Widow.
“Ang galing! Can we make more of this kind of genre for our Bebe, please? Ang angas! Kudos to the stunt team and the prod! Ang bangis mo talaga Julia.”
* * *
Mas pinalakas at mas pinalaki ang Kapamilya experience sa YouTube sa paglulunsad ng “Kapamilya YOUniverse,” ang pagsasama-sama ng mga paboritong YouTube channel ng ABS-CBN para magpalabas ng mga bago at sari-saring content simula ngayong Agosto.
Mag-subscribe na sa YouTube channels ng Star Cinema, Star Music, MOR Entertainment, ABS-CBN News, at ABS-CBN Entertainment para ma-enjoy ang mga minahal na palabas ng ABS-CBN hanggang sa bagong original shows na ekslusibong ginawa para sa YouTube, live concerts, pinakahuling balita at impormasyon, interactive programs, at song playlists.
Sa Star Cinema YouTube channel, mas makikilala pa ng “He’s Into Her” fans ang mga iniidolo nilang bida sa exclusive interviews nila sa “He’s Into Her Extras” at sa behind-the-scenes documentary tungkol sa pagbuo ng hit online series na “He’s Into Her: The Journey.”
Bubuksan din ng Star Cinema ang “Secret Movie Files,” kung saan ipinapaliwanag kung paano ginawa ng mga direktor ang pinaka-hindi malilimutang eksena sa malalaking Star Cinema movies. Tampok sa unang episodes nito sina Kathryn Bernardo, Daniel Padilla, at Direk Cathy Garcia-Molina.
Makaka-jamming din ng fans ang mga paborito nilang artists sa Star Music YouTube channel. Libreng live concerts ang hatid ng “Gold School,” tampok ang sariling bersyon nila ng sikat na OPM songs, at ang “The Music Room,” kung saan magpapabilib ang iba’t ibang OPM artists sa pagpe-perform ng kanilang hits.
Kung naghahanap naman ng karamay, nariyan ang relatable na kwentuhan at musika sa MOR Entertainment YouTube channel. Napapakinggan dito ang “Dear MOR” kung saan nakikipagbalitaktakan sina Popoy at Betina Briones sa mga kaMORkada tungkol sa mga tunay na kwento ng pag-ibig, lungkot, at saya na ipinadala sa kanila. Mayroon ding tuloy-tuloy na tugtugan sa “MOR Playlist” at usapang relasyon at buhay sa “Bedtime Stories,” “Confessions,” at “Gapnud sa Kinabuhi.”
Para naman sa mga gustong maging updated sa balita mula umaga hanggang gabi, makakakuha ng walang patid na news updates at impormasyon sa ABS-CBN News YouTube channel ngayong Agosto.
Hindi naman mahuhuli ang mga Kapamilya sa Pilipinas na naghahanap ng tuloy-tuloy na saya dahil sa ABS-CBN Entertainment YouTube channel, matatagpuan ang 24/7 livestreaming ng Kapamilya Online Live ng mga bago at lumang entertainment shows pati na movies.
The post Pagtakbo ni Coco sa Eleksyon 2022 hindi tuloy; Julia mala-Black Widow ang training para sa ‘Probinsyano’ appeared first on Bandera.
No comments: