Zanjoe Marudo, may paalala sa mga “kabet” at nangangaliwang asawa
- Hindi umano ito-tolerate ni Zanjoe ang mga nangangaliwa sa isang relasyon lalo na sa mag-asawa
- Naniniwala naman daw siya na pwedeng ma-in love ang isang tao kahit na ito ay may karelasyon
- Gaganap naman si Zanjoe bilang isang cheater sa adaptation ng BBC British hit series na 'Doctor Foster'
Ipinagdiinan ng Kapamilya star na si Zanjoe Marudo na hinding-hindi niya umano ito-“tolerate” ang mga panloloko at pangangaliwa ng isang partner sa isang relasyon lalong-lalo na sa mag-asawa.
Ito ay taliwas sa gagampanan niyang karakter sa 'The Broken Marriage Vow' na isang adaptation mula sa hit British series na 'Doctor Foster' na pinaghanguan ng pinag-usapang K-drama sa bansa na 'The World of a Married Couple'.
Naniniwala naman daw ang aktor na posibleng ma-inlove ang isang tao kahit mayroon itong karelasyon. Kahit na posible itong mangyari ay nilinaw nitong hindi pa rin tama ang panloloko.
“Hindi pa rin ako papabor (sa cheating). Hindi mo mapipigilan ‘yung emosyon mo e, na magkakagusto sa isang tao o ibang tao kahit may asawa ka na. Pero kung paano mo siya iha-handle, itutuloy mo ba o hindi, kailangan mo pag-isipan maigi” pagbabahagi niya sa press conference ng naturang serye.
Dagdag niya pa, “Kung magiging selfish ka ba, ‘yung sarili mo lang iintindihin mo? Or ‘di ka nga tutuloy du’n pero kalbaryo naman kung nasaan ka ngayon? Nasa tao ‘yun, kung ano ang kailangan niya sa buhay.”
Paliwanag ni Zanjoe, hindi siya sasang-ayon kung iiwan mo ang pamilya mo kung mayroon ka nang ibang minamahal.
“Hindi ko sinasabi na you have to follow your heart. Hindi, lalo na kung may pamilya ka na, o may anak ka na, hindi ako mag-a-agree na iwan mo. Unang-una kong tanong, mahal mo pa ba? Kung mahal mo, e ‘di wala nang ibang kasunod na tanong ‘yun. Pero kung hindi na, ibang usapan na,”
Binahagi rin niyang pagkatapos gawin ang teleseryeng ito, medyo naintindihan daw niya ang dahilan ng isang taong may minamahal ngunit sabay.
“After ng show na ito, pwede. Posible siya. Hindi lang sa lalaki kung ‘di sa lahat ng tao. Kasi emosyon siya. Para sa akin, isa siyang emosyon na hindi mo mapipigilan.
“Nasa sa ‘yo na ‘yung kung paano mo iha-handle o ano magiging desisyon mo sa sitwasyon na ganu’n, kung itutuloy mo ba o iisipin mo ‘yung mga taong masasaktan mo, matatapakan mo. So, nasa tao talaga,” pagkakatwiran ng aktor.
Gusto naman daw niyang ipaintindi sa masa ang kanyang karakter na si David, ang nangangaliwang asawa: “Ang goal ko kahit katiting ay maintindihan nila ‘yung character ni David, kung saan siya nanggaling at kung bakit siya umabot doon sa klase ng sitwasyon. Kasi wala naman talagang masamang tao e.
“Kumbaga ‘yung sitwasyon o experiences nila sa buhay, sa past, ‘yun ang nagiging reason kung bakit sila ganito ngayon. Hindi pwede patawarin ‘yung ganoon, lalo na sa kultura nating Pilipino. Hindi siya acceptable lalo na ‘yung nanakit,”
No comments: