Darna at Iking, nag-reunite sa "Pasig-Laban" rally matapos ang 17 taon!
- Ang "Darna" TV series ng GMA Network noong 2005 ang isa sa mga pinakamatagumpay na programa tungkol sa iconic Pinay superheroine.
- Isa sa mga naging key characters ng ng nasabing serye ay si "Iking" na kadalasan ay alalay ni Darna, na ginampanan ni Francis Magundayao.
-Makalipas ang 17 taon, muling nagkita sina "Darna" at "Iking" sa ginanap na "Pasig-Laban" rally nina VP Leni Robredo nitong Linggo, Marso 20.
Hindi po natin maikakaila na ang "Darna" TV series na ipinalabas noong 2005 sa GMA Network ang isa sa mga pinakamatagumpay na programa, hindi lamang ng Kapuso Network, pati na rin ng franchise ng nasabing Pinay iconic superheroine na likha ng alamat na si Mars Ravelo.
Minsan na rin naitala ng "Darna" ang mataas na 51.1% sa ratings noong panahong iyon.
Si Angel Locsin, na noo'y isa sa dine-develop bilang isa sa mga pinakasikat na Kapuso stars, ang gumanap bilang si Narda at Darna. Sinasabing si Angel din ang isa sa pinakabatang nag-portray bilang si Darna sa edad na 19.
Isa rin sa mga naging key characters ng serye ay ang kanyang naging alalay na si "Iking" na ginampanan naman ng dating child star na si Francis Magundayao. Siya ang madalas na mag-abot ng bato kay Narda kapag gusto na nito magpalit ng anyo bilang si Darna.
Matapos ang 17 taon, nagkita muli sina "Darna" (Angel) at "Iking" (Francis) sa ginanap na "PasigLaban" rally para sa kandidatura nina Vice President Leni Robredo at Senador Kiko Pangilinan kahapon, Marso 20, sa kahabaan ng Emerald Avenue sa Lungsod ng Pasig.
Nakisali si Angel, 36, kasama ang asawang si Neil Arce sa libu-libong katao sa nasabing rally upang ipakita ang suporta sa Leni-Kiko tandem. Bitbit din ni Angel ang placard na nagsasabing "Ma'am Leni, sa'yo na ang bato!" na sinasabi rin na kay VP Leni dapat ipaubaya ang "kapangyarihan" upang ipagtanggol at pangalagaan ang bansa.
Makikita sa ilang litrato at maging sa TikTok clips ni Francis, 22, ang tila masayang reunion nila ni Angel habang nasa kumpulan ng tao. Sobrang tuwa ang inabot ng aktor sa pagkikita nilang muli ng kanyang Ate Angel.
"Even after 17 years, superhero ka pa din sa mata ko, ate," ayon kay Francis.
Sina Angel at Francis ay ilan lang sa mga celebrity na nagpakita ng suporta sa kandidatura ni VP Leni at Senador Kiko sa nasabing grand rally na umabot sa mahigit 137,000 katao, ayon sa pagtataya ng Pasig City Police.
***Photos courtesy of Team Angel PH***
No comments: