Bianca Gonzales, hinimok ang lahat na patuloy na labanan ang 'disinformation'
"Isang karangalan na makasama kayo sa pagtindig.”
Ito ang mga salita ni Bianca Gonzalez, na lantarang naninindigan at nag-rally sa likod nina Vice President Leni Robredo at Sen. Kiko Pangilinan sa kanilang political campaign nitong mga nakaraang buwan.
Kasalukuyang nasa ikalawang puwesto sina Robredo at Pangilinan sa presidential at vice presidential race, ayon sa pagkakasunod.
"Ang demokrasya. Kaya't patuloy nating protektahan at pahalagahan ang ating kalayaan na pinaglaban ng mga nauna sa atin, 'wag natin balewalain," ayon sa Twitter post ni Bianca.
“Lahat tayo mahal ang ating bansa, kaya sa abot ng ating makakaya, ipagpatuloy natin ang pagtindig para sa ikabubuti ng isa't isa,” dagdag pa niya.
Sinabi ni Gonzalez na kailangan ng lahat na patuloy na labanan ang disinformation na siyang pinakamalaking banta sa demokrasya at lipunan.
“Di ko alam kung paano, kung gaano katagal, at oo nakakapanghina ng loob, pero kung sama-sama tayo, we stand a chance. Kailangan natin labanan para sa mga susunod na henerasyon,” aniya.
Nanatili ang pangunguna ni Ferdinand Marcos Jr. sa presidential elections, ang kanyang mga boto ay lumampas sa 30 milyon nitong Martes ng umaga.
Sa bahagya at hindi pa opisyal na resulta na inilabas 6:32 a.m., Martes, nakakuha si Marcos ng 30,367,737 boto, kumpara sa 14,463,975 ni Robredo.
No comments: