Lovi Poe, bibida kasama si Coco Martin sa TV remake ng pelikula ng amang si Da King na 'Batang Quiapo'

Kumpirmado na ang pagsasamahang proyekto nina Coco Martin at Lovi Poe sa kauna-unahang pagkakataon sa Kapamilya network.

Matagal nang maugong ang pagkakaroon ng remake ng isa sa mga pinilahang pelikula noon ng tinaguriang "The King of Philippine Movies" na si Fernando Poe Jr., na umano'y pagbibidahan din ng aktor na si Coco Martin matapos ang matagumpay na TV adaptation ng "Ang Probinsyano."

Sa isang panayam kay Coco ilang araw matapos ang pamamaalam ng 'Ang Probinsyano' sa telebisyon pagkatapos ng pitong taon na pamamayagpag nito sa ere, sinabi ng aktor na wala pa siyang alam tungkol sa usap-usapang susunod niyang proyekto at ayaw pa umano siyang gambalain ng kanyang mga boss dahil sa kanyang kabi-kabilang mall shows at US tour.

Ngayong araw ay kumpirmadong-kumpirmado na ang pagbabalik ni Coco sa telebisyon sa "FPJ's: Batang Quiapo" kung saan bukod sa pagiging bida ay siya rin ang isa sa mga magdidirek at magpoprodyus ng nasabing serye.

Makakasama ng aktor sa unang pagkakataon bilang leading lady ang anak ni Da King na si Lovi Poe. Sa nakalipas na panayam sa aktres ay sinabi nitong isa si Coco sa mga pangarap niyang makatrabaho at maging lead man sa isang serye.

Tampok rin sa bigating cast sina benzon Dalina, Mark Lapid, Ronwaldo Martin, Ping Medina, Mercedes Cabral, Allan Paule, Susan Africa, Tommy Abuel, Cherry Pie Picache, Pen Medina, Lito Lapid, John Estrada, Elisse Joson, McCoy de Leon, Roxanne Guinoo, Irma Adlawan, Ronnie Lazaro, Christopher De Leon at Charo Santos.


Ang nasabing serye ay bibigyang buhay bilang paggunita sa ika-18 anibersaryo ng kamatayan ni FPJ, handog ng ABS-CBN at Dreamscape Entertainment na lumikha ng 'Ang Probinsyano' na kasalukuyang may hawak ng record na longest-running Pinoy drama series, sa produksyon ng CCM Film Productions. Ang "FPJ's: Batang Quiapo" ay mapapanood sa susunod na taon.

Sa ngayon ay abala pa si Coco sa pagpopromote ng kanyang pelikulang 'Labyu With An Accent' na mapapanood ngayong pasko bilang isa sa mga kalahok sa taunang Metro Manila Film Festival.

Kasalukuyang napapanood naman si Lovi sa Philippine adaptation ng acclaimed South Korean series na 'Flower of Evil' katambal si Piolo Pascual.

No comments:

Powered by Blogger.