Isa Patay sa Inuman sa Brgy. Tamburusan, Dalakit, Catarman; Suspek Sumuko sa PNP




CATARMAN, Northern Samar — Nauwi sa patayan ang isang inuman sa grupo sa Tamburusan, Brgy. Dalakit, Catarman noong Linggo, Marso 1, 2026, matapos ang umano’y mainitang komprontasyon ng magkaka-inuman.

Kinilala ang nasawi na si “Rodney,” 39 anyos, isang construction worker at residente ng Brgy. Dalakit, Catarman. Ayon sa ulat, siya ay nasawi matapos masaksak ng kanyang kainuman na si “Joseph,” 24 anyos.

Batay sa report ng PNP, una umanong umaawat lamang si Joseph kay Rodney nang atakihin nito ang isa pa nilang kainuman na si Jose, na tinamaan sa kamay.

Sa kasagsagan ng gulo, kumuha umano ng patalim si Rodney at sinubukan itong agawin ni Joseph. Gayunman, si Joseph umano ang muling inatake ni Rodney. Dahil dito, dumepensa si Joseph at nasaksak sa tiyan si Rodney.

Ayon pa sa ulat, susubukan pa umano ni Rodney na manaksak muli, ngunit muli rin siyang nasaksak ni Joseph, na naging sanhi ng kanyang agarang pagkamatay.

Samantala, kusang sumuko sa Catarman Municipal Police Station (MPS) ang suspek matapos ang insidente.







No comments:

Powered by Blogger.