πΊππππππ π³ππππ: Pinaka-Umunlad na Bayan sa Northern Samar
Ang dating liblib na bayan ng Silvino Lubos ay naitala ngayon
bilang may pinakamalaking pagbaba ng antas ng kahirapan sa buong Northern Samar
mula 2012 hanggang kasalukuyan, batay sa ulat ng Philippine Statistics
Authority (PSA).
Noong 2012, tinagurian itong pinakamahirap na bayan sa Eastern
Visayas at ika-33 sa buong Pilipinas, na may poverty incidence na 71.6%, ayon
sa PSA Small Area Estimates Report. Pagsapit ng 2018, bumaba ito sa
56.9%—katumbas ng 14.7% na pagbaba sa loob ng anim na taon. Noong 2023, lalo pa
itong bumaba sa 39.5%, o 17.4% na pagbaba mula 2018 sa loob lamang ng limang
taon.
Samantala, ang Allen—isang maliit ngunit mahalagang bayan sa
Balicuatro area na kilala bilang gateway papuntang Luzon at Eastern Visayas—ay
nananatiling may pinakamababang antas ng kahirapan sa Northern Samar, na nasa
19.2% noong 2023.
Tulad ng Allen at iba pang madaling marating na bayan sa
probinsya, ang pag-unlad ng kalagayang pang-ekonomiya ng Silvino Lubos ay
maiuugnay sa mas pinahusay na konektibidad at imprastraktura. Ang pangunahing
daan, ang Mondragon-Silvino Lubos Road, na nag-uugnay sa bayan sa iba pang
bahagi ng Northern Samar at buong Samar Island, ay sinimulan noong 2010 at
tuluyang natapos noong 2023 matapos ang pandemya. Noong mga nakaraang taon,
inaabot ng hanggang walong oras na biyahe sa dagat ang pagdadala ng mga produkto
at tao papunta at palabas ng bayan. Sa pagbuti ng akses, kasabay ding bumaba
ang kahirapan—patunay sa kahalagahan ng konektibidad sa pag-unlad ng kabuhayan
at ekonomiya.
Bagama’t hindi pa ganap na nakakahabol ang Silvino Lubos sa
antas ng kaunlaran ng ibang bayan sa Northern Samar at Eastern Visayas, malinaw
ang malaking hakbang na nagawa nito mula sa pagiging dominantly poor tungo sa
mas maayos na kalagayang pang-ekonomiya. Mas dumami ang oportunidad sa
kabuhayan, at mas naging accessible ang serbisyong pangkalusugan, edukasyon, at
trabaho sa nakalipas na dekada.
Patuloy ding pinagtutuunan ng pansin ng pamahalaan ang
pagkonekta ng poblacion sa mga barangay nito, kung saan 23 sa 26 ay matatagpuan
sa loob ng kagubatan at nasa bulubundukin o maburol na lugar. Bahagi rin ang
bayan ng Samar Island Natural Park at Pambujan Watershed, kung saan 43% ng lupa
ay forest land at 27% lamang ang agricultural land na pangunahing tinataniman
ng niyog, root crops, gulay, at palay.
Nanatiling hamon ang konektibidad sa loob ng mga barangay,
ngunit sa mga proyektong tulad ng Silvino Lubos-Matuguinao Road, Las
Navas-Silvino Road, at mga farm-to-market roads na nakapila, inaasahang mas
lalo pang aangat ang pamumuhay ng mga mamamayan sa tulong ng pagtutulungan ng
lokal at pambansang pamahalaan, kasama ang iba’t ibang organisasyon sa larangan
ng imprastraktura, kabuhayan, kalusugan, edukasyon, at serbisyong panlipunan.
Pinagmulan: Philippine Statistics Authority

No comments: