Pagsisimula ng Programa ng Ehersisyo


Ang regular na pag-ehersisyo ay bahagi ng malusog na pamumuhay. Kausapin ang inyong doktor tungkol sa kung anong klase at kung gaano karami ang ehersisyo na gagawin kapag kayo ay:

  • Hindi kailanman naging aktibo
  • May mga problema sa kalusugan
  • Buntis
  • Lampas sa edad na 60

Ang layunin ay ang mag-ehersisyo 4 hanggang 6 na araw bawat linggo. Mag-ehersisyo sa loob ng 30 hanggang 60 minuto bawat beses. Upang mapigilan ang aksidente, dahan-dahang pataasin ang bilang ng mga araw at ang haba ng oras na ginugugol ninyo sa pag-ehersisyo.

Tumutulong ang madalas na pag-ehersisyo upang:

  • Mapahusay ang pagtrabaho ng inyong puso at mga baga
  • Panatilihing malusog ang timbang o tulungan kayong magbawas ng timbang
  • Mapahusay ang balanse, lagay ng mga kalamnan at pagkamasunurin (flexibility) ng mga pinaghuhugpungan
  • Pagaanin ang stress at tensiyon at mapabuti ang inyong disposisyon
  • Bawasan ang panganib ng sakit sa puso, mataas na presyon ng dugo, osteoporosis o panghihina ng mga buto, at diabetes

PAGSISIMULA:


• Piliin ang ehersisyo na gusto ninyong gawin.

Subukang iba-ibahin ang klase ng ehersisyo na inyong ginagawa upang pataasin ang mga benepisyo sa kalusugan at mapigilan ang pagkabagot at aksidente.

Mga Klase ng Ehersisyo:

  • Ang aerobic exercise ay nagpapagalaw sa mga malalaking kalamnan at pinapabuti ang kalusugan ng inyong puso at mga baga. Ilan sa mga halimbawa ang paglalakad, pagtakbo ng mabagal (jogging), mga klaseng aerobiko, pagbibisikleta, paglalangoy, paglalaro ng tenis at pagsasayaw.
  • Ang paglalakad ay maganda para sa mga baguhan. Kailangan lamang ninyo ng isang matibay na pares ng sapatos na pag-atletiks. Ang paglalakad ay maaaring magsunog ng mga bilang ng enerhiya (calories) na singdami ng sinusunog ng pagtakbo ng mabagal (jogging), nang walang matinding epekto sa inyong mga pinaghuhugpungan. Mainam ang paglalakad para sa inyong puso at mga baga at tumutulong na mapigilan ang panghihina ng mga buto (osteoporosis).
  • Ang mga ehersisyong pagsasanay sa lakas ay nagpapalakas sa mga kalamnan at pinapatibay ang mga buto. Ang paggamit ng mga mabibigat na bagay (weights), mga lastikong pang-ehersisyo, ibang kagamitan sa pagbubuhat ng mabibigat (weight lifting equipment), at paggawa ng mga push-ups at sit-ups ay mga halimbawa ng pagsasanay sa lakas. Kausapin ang inyong doktor bago umpisahan ang pagsasanay sa lakas kung mayroon kayong mataas na presyon ng dugo o iba pang problema sa kalusugan.
  • Ang mga ehersisyo para gawing madaling banatin ang bahagi ng katawan (flexibility), na tinatawag ding pagbabanat, ay pinapahaba ang mga kalamnan upang mapahusay ang balanse at kalusugan ng mga pinaghuhugpungan. Ang pagbabanat ay mahalaga bago at pagkatapos ng pag-e-ehersisyo at bilang isang ehersisyo rin. Kasama sa mga halimbawa ang yoga at tai chi.

• Umpisahan at tapusin ang sesyon ng pag-ehersisyo ng 5 minutong marahang ehersisyo o pagbabanat.

  • Halimbawa, maglakad ng 5 minuto bago at pagkatapos ng pagtakbo ng mabagal (jogging). Makakatulong ito upang mapigilan ang aksidente.

•Mag-ehersisyo sa komportableng bilis. Pakinggan ang inyong katawan. Masyadong matindi ang inyong pag-e-ehersisyo kung kayo ay:

  • Nagkakaroon ng pananakit sa inyong mga pinaghuhugpungan, paa, mga bukungbukong o mga binti
  • May mga problema sa paghinga
  • Nanghihina, nalulula o nahihilo habang o pagkatapos mag-ehersisyo

Tumigil sa pag-ehersisyo at tawagan ang inyong doktor o 911 kung kayo ay:

  • May pananakit o pamimigat ng dibdib, kaliwang leeg, balikat o braso
  • Biglang pagkahilo
  • Pinagpapawisan ng malamig
  • Namumutla
  • Pakiramdam ng pagkahimatay

Kausapin ang inyong doktor o nars kung kayo ay mayroong mga katanungan o alalahanin.

(source: Health Info Translations)

No comments:

Powered by Blogger.