May Gamot ba Para Mawala ang Sakit na Lupus?
Sa kasalukyan ay wala pang gamot para tuluyang mawala ang lupus pero may gamot para sa mga sintomas at komplikasyon na dulot ng lupus. Isa itong chronic o pangmatagalang sakit na nangangailangan ng pangmatagalang gamutan. Magkahalong lifestyle modification at gamot ang paraan para makontrol ang sintomas ng lupus. Mahalaga na maprotektahan ang sarili mula sa araw dahil maaaring magtrigger ng sintomas ng lupus ang ultraviolet rays ng araw. Mahalaga din na sapat ang vitamin D na nakukuha sa iyong diet upang maiwasan ang osteoporosis o panghihina ng buto.
Depende din sa kung anong bahagi ng katawan ang apektado ng lupus, iyon ang bibigyan ng gamot ng doktor o rheumatologist. Hindi pwedeng mag self-prescribe o basta nalang uminom ng gamot ang mga taong may lupus. Mahalaga ang pagkonsulta sa inyong rheumatologist upang makontrol ang mga sintomas at maiwasan ang komplikasyon. Ilan sa mga gamot na nirereseta ng mga rheumatologists ay NSAIDs para mawala ang sakit at pamamaga na dulot ng lupus. Nagbibigay din ng steroids para maiwasan ang pamamaga na dulot ng lupus. Maaari din silang magreseta ng immunosuppresants upang pigilan ang ating immune system sa pagsira sa sariling katawan. Muli kung ikaw ay may lupus, mahalaga na kumonsulta sa isang rheumatologist dahil sila ang espesyalista sa sakit na lupus.
No comments: