Maaaring mamatay ang isang tao kapag sobrang mababa ang potassium sa katawan.
Alam mo ba?
Maaaring mamatay ang isang tao kapag sobrang mababa ang potassium sa katawan.
Isa sa pinakamahalagang mineral sa katawan ay ang potassium. Masama ito kapag labis at masama din ito kapag kulang. Kailangan natin ang postassium para sa normal na pagtibok ng puso at paggamit ng mga muscle sa katawan.
Marami nang mga pasyente na nadisgrasya dahil lamang sa mababang potassium. Ang tawag ng doktor dito ay hypokalemia.
Ang kadalasang sanhi ng mababang potassium ay ang labis na pagpapawis, pagtatae at pagsusuka. Dahil dito, lumalabas ang potassium sa katawan sa pamamagitan ng ating pawis at dumi. Minsan naman ay may diprensiya ang bato (o kidneys) kaya lumalabas din ang potassium sa ihi. Kung kayo ay mahilig uminom ng mga pampadumi, pampapaihi o pampapayat, puwedeng bumaba ang iyong potassium. Kung mahilig kayo sa colon cleansing, puwede din bumaba ang potassium. Ang sobrang pag-e-ehersisyo at pagpapawis ay puwedeng makababa din ng potassium.
Ang sintomas ng mababang potassium ay ang panghihina ng mga paa, pinupulikat at abnormal na tibok ng puso. Nag-uumpisa ang panghihina sa may paa at umaakyat ito ng dahan-dahan hanggang sa ma-paralisa na ang buong katawan. Napakadelikado nitong sakit at puwedeng ikamatay agad.
Kapag malala na ang lagay ng pasyente ay kailangan nang dalhin sa ospital para mabigyan ng potassium sa dugo. Ngunit kung nag-uumpisa pa lamang ang panghihina ay puwede muna kumain ng mga pagkaing mataas sa potassium tulad ng saging, patatas, kamatis, orange at broccoli.
Kumonsulta sa doktor kung kayo ay nanghihina. Ipapasuri ng doktor ang iyong Potassium level (isang blood test) para malaman kung mababa nga ang iyong potassium. Kung kayo ay may sakit sa bato o may kidney failure, magtanong muna sa doktor bago kumain ng pagkaing mataas sa potassium.
O ngayon alam mo na, ishare mo naman sa iba.
by Doktor Doktor Lads
No comments: