Mga Impormasyon Tungkol sa COVID-19 Infection sa mga Buntis
Mga Impormasyon Tungkol sa COVID-19 Infection sa mga Buntis
by Doktor Doktor Lads
Sa kasalukuyan ay limitado pa ang ating kaalaman tungkol sa panganib na dala ng COVID-19 infection sa mga buntis. Ang mga buntis ay may mas mataas na risk na magkaroon ng viral respiratory infections, posibleng kasama dito ang COVID-19. Katulad ng iba pang viral infections tulad ng SARS, MERS-COV at influenza, mas malala ang sintomas na nararanasan ng mga buntis. Hindi pa natin alam kung maaaring magdulot ng congenital anomaly o preterm birth ang COVID-19 infection. Ayon sa 2 pag-aaral, 1 sa 18 buntis na babae ang nakaranas nang malubhang sintomas na kinakailangan ng intensive care unit admission at mechanical ventilation.
Kung pagbabasehan ang SARS (kamag-anak ng virus na nagdudulot ng COVID-19), ang mga babaeng nagkaroon ng impeksyon na ito ay hindi nakaranas na makunan o magkaroon ng sanggol na may congenital anomaly. Posibleng wala ring ganitong komplikasyon sa COVID-19 pero kailangan pa natin ng masusing pag-aaral para matiyak ito.
Wala pang ebidensya na pwedeng maipasa ang COVID-19 infection mula sa nanay at mahawa ang sanggol na nasa sinapupunan. Ayon sa pag-aaral, hindi nakita ang COVID-19 sa likido sa pabunigan o cord blood ng 6 na sanggol na ipinanganak sa nanay na may COVID-19 infection.
Ang preterm delivery o panganganak nang kulang sa buwan ay nakita sa ilang mga buntis na may COVID-19. Hindi pa malinaw kung posible talagang magdulot ng preterm delivery ang COVID-19 pero base sa ilang mga buntis na nagkaroon na ng COVID-19, ang mga sanggol naman na ipinanganak na premature sa nanay na may COVID-19 ay malusog at walang naitala na namatay.
Hindi rin nakita ang COVID-19 sa breastmilk o gatas ng ina na may COVID-19 infection. Posible na hindi ito naipapasa sa pagpapasuso. Hinihikayat ang mga kakapanganak na ina na ipagpatuloy ang pagpapasuso sa pamamagitan ng breast pump. Bago hawakan ang breast pump at mag-express ng gatas ang ina, kailangan ay maghugas na mabuti ng kamay upang masiguro na malinis at walang kasamang virus.
Source: Coronavirus (COVID-19) and Pregnancy: What Maternal-Fetal Medicine Subspecialists Need to Know by Society for Maternal Fetal Medicine)
No comments: