Davao Mayor Inday Sara, may talo kay Manila Mayor Isko Moreno
Marami ang nagulantang sa pagbanat ni Pres. Duterte kay Mayor Isko Moreno na kesyo may moralidad na isyu at “disorganized” sa pamamahagi ng ayuda at iba pang isyu sa Maynila. Nabanggit pati bikini ni Isko noong siya’y nag-aartista pa. Pati pamamahagi ng ayuda sa sa Maynila ay nadadamay pa.
Bilang sagot, ipinakita ni Isko ang pagkilala ng DSWD at DILG sa maayos na pamamahagi ng SAP funds sa kanyang lungsod. Kaya nang mamigay muli ng ayuda ang Manila city hall nitong Miyekules, nagpasalamat si Mayor Isko Moreno kay Pangulong Duterte, DSWD at DILG at biglang lumamig ang isyu.
Kung babalikan , si Moreno ay tao ni Digong noon pang 2016. At nang maupo sa Malakanyang, hinirang niya itong undersecretary ng DSWD. Nagbitiw lamang nang tumakbo bilang Mayor noong 2019, at sinuportahan din ni Digong.
Isa si Isko sa pinagpipilian ni Digong sa Mayo 2022, kaya nakakagulat talaga na biglang naupakan. Nauna si Senador Manny Pacquiao, na dating Presidente ng PDP LABAN na tinira ng Pangulo. Sabi ng mga political analysts, ang mga banat kina Pacquiao at Isko Moreno ay sa dahilang kalaban sila ng anak na si Mayor Inday “Sara” Duterte sa 2022.
Isa’t kalahating buwan na lamang ay magsusumite na ang mga kandidato ng certificates of candidacy. Si Inday Sara ay merong anim na “political parties” na susuporta sa kanya, una ang Peoples reform party ng yumaong Senador Miriam Santiago. Pati rin ang PDP-LABAN, Nacionalista party ng mga Villar, National Unity party ni Businessman Enrique Razon, Laban ng Demokratikong Pilipino (LDP) ng mga Angara, Lakas- NUCD ni PGMA.
Ito namang si Isko ay naging Presidente ng partidong Aksyon Demokratiko ng yumaong senador Raul Roco. Si Pacquiao na sinibak ng PDP LABAN at umaasang kilalanin ng COMELEC ang kanyang “People’s Champ Movement” bilang national party. Ang ibang partido, NPC ni Businessman Ramon Ang ay tahimik muna sa Presidente, maliban kay Vice presidential candidate Tito Sotto, samantalang ang Liberal party/1Sambayan ay pinupusisyon si Vice President Leni Robredo sa pag-asang magkaisa sana ang oposisyon.
Pero, itong labanan ay nasesentro ngayon sa dalawang pinakamalakas na kandidato na tiyak nang merong tagasuportang “national parties” at ito’y walang iba kundi sina Inday Sara kalaban si Isko Moreno. Labanan ng dalawang matinik at magaling na mga alkalde ng Davao city at Maynila.
Si Inday Sara, 43, abugada, ay mensahe ng pagpapatuloy ng mga patakaran ng ama nitong si Digong. Limang taon na siyang alkalde ng Davao city, bago rito’y Vice Mayor ng tatlong taon o kabuuang walong taon bilang “elected official”. Ipinagmamalaki ni Inday Sara at ng pamilya Duterte ang “economic miracle” ng Davao city bukod pa sa matiwasay na peace and order na tinatamasa ng mga mamamayan doon.
Si Fransisco “Isko Moreno” Domagoso, 46, anak ng mahirap na mag-asawang taga-Antique at Northern Samar, ay kwento ng lider na dating nagbabasura, nagkakariton, tricycle driver sa Tondo at nagsumikap mag-aral at nakatapos.. Konsehal ng Tondo sa siyam na taon, vice mayor sa loob ng siyam na taon at Mayor ng dalawang taon. Sa kabuuan, 20 taong naglingkod bilang elected official ng Maynila. Kaya naman sa loob ng mabilis na dalawang taon, bilang bagong alkalde, kabisado niya ang matinding pagbabago sa Maynila na hindi natikman sa loob ng dekadang panahon. Marami ang nagsasabi na pareho ang “kwento” ni Digong at Isko bilang pulitiko, parehong “action man” at galit sa katiwalian at mga tinutukoy niyang tolongges”.
Kaya naman, kung ikukumpara sina Inday Sara Duterte at Isko Moreno, ang nagiging tayaan ay sino ang mas magaling na alkalde sa dalawa? Sino sa dalawa ang makapagpapatuloy ng pamamahala ni President Duterte? Ang kanyang anak na si Inday Sara o ang bagong alkalde ng Maynila na si Isko Moreno? Ang dalawang taon ni Isko Moreno bilang Mayor ng Maynila o ang limang taong pagiging mayor ni Inday Sara sa Davao city?
Sa nauna kong kolum, ang aking fearless forecast sa Mayo 2022 ay labanan nina Inday Sara-Imee or Bongbong Marcos (kumbinasyong Luzon-Mindanao) kontra kay Isko Moreno-Manny Pacquiao (kumbinasyong Luzon-Visayas-Mindanao).
Abangan!
The post Davao Mayor Inday Sara, may talo kay Manila Mayor Isko Moreno appeared first on Bandera.
No comments: