Mayor Isko at ang pagkapangulo, dinala sa putikan ni Duterte
Siguro dahil sa nasanay na tayo sa mga klase ng salita na binibitawan ng Pangulong Duterte kaya hindi na natin nabigyan ng pansin ang mga nasabi niya noong Lunes sa kanyang weekly late-night public address.
Marahil sa dami ng sinabi at ginawa ni Duterte na unpresidential, o yung mga hindi dapat ginagawa at sinasabi ng isang pangulo o leader ng bansa, naging manhid na lang tayo sa mga sinabi at ginawa niya noong Lunes.
Pero dapat ba natin tanggapin na lang na si Duterte ay iba talaga sa mga dati nating mga pangulo na nirespeto at ginalang ang pagkapangulo at nagpaka-pangulo sa salita at gawa habang sila ay namumuno pa?
Hindi pinangalanan ni Duterte noong Lunes ang tinutukoy niya ngunit halata at maliwanag pa sa sikat ng araw na si Mayor Isko Moreno ang sinasabi niya na ang training “para lang call boy, naghuhubad.” Walang duda naman na ang Maynila ang sinasabing hindi “bibigyan ng power to distribute ayuda.”
Ngunit hindi nagtapos ang salita ni Duterte sa pagkutya sa kakayanan ng politikong nasilip niya daw sa facebook na naka-bikini (na noon ay artista pa) at pananakot sa Maynila tungkol sa ayuda sa panahon ng ECQ.
Nagsalita pa si Duterte, na ang bawat salita sa publiko ay maaaring ituring na isang state policy, ng mga bagay na hindi dapat sinasabi, ginagawa at piinagyayabang ng isang pangulo ng bansa o ng isang tunay na lalaki.
Kailangan bang sabihin at ipagyabang ni Duterte sa publiko na mas malaki ang private part niya kaysa kay Mayor Isko?
Kailangan bang sabihin ni Duterte ang mga ganitong bagay sa kanyang public address upang ipakita, ipaalam at patunayan sa mga tao na si Mayor Isko ay hindi karapat-dapat na maging pangulo o vice-president sa 2022?
Walang kakayanan si Mayor Isko na maging pangulo o vice-president ng bansa sa 2022 dahil daw ito ay walang moral ascendency na mamuno, na hindi organisado ang pagbakuna sa Maynila kung saan mayor si Isko. Ito ang isyung ibinato ni Duterte laban kay Mayor Isko sa kanyang public address na kung saan ang dapat pinag-uusapan ay kung papaano mareresolba ang lumalalang pandemya dulot ng Delta variant ngunit minabuti ni Duterte na gamitin ang okasyong ito para paratangan, laitin at ipahiya ang mayor ng Maynila sa publiko.
Typical na Duterte ang inasal ng pangulo noong Lunes.
Dinala ni Duterte sa putikan ang isyu tungkol kay Mayor Isko at kasama nito ang pagtapak at pagyurak sa dignidad at dangal ng pagkapangulo.
Kailangan ni Duterte ng isang pangulong maaasahan pagkatapos ng kanyang termino sa June 30, 2022. Si Mayor Isko ay isang malaking banta sa kandidatura ng kanyang kaalyado, pati na rin sa kagustuhan niyang maging vice-president sa 2022. Hindi niya gugustuhin na maupo ito.
Matatandaan na noong nakaraang linggo lang, nagpalabas ang Department of the Interior and Local Government (DILG) ng isang show cause order laban kay Mayor Isko dahil sa umano’y kabiguan ng Maynila na masunod at maabot ang pamantayan ng Anti-Drug Council noong 2018. Mabuti at mabilis naman binawi ng DILG ang nakakahiyang show cause order dahil kitang kita naman at alam ng buong sambayanan na hindi pa alkalde ng Maynila si Mayor Isko noong 2018.
Bago naman nagsimula ang ECQ sa kamaynilaan, sinabotahe at ginulo ng mga kalaban sa politika ang kanilang (Manila) vaccination registration website na nagdulot ng kaguluhan sa ilang vaccination centers sa Maynila noong Huwebes, ito ay ayon sa kampo nila Mayor Isko.
Ang sakaling hindi pagbigay sa Maynila ng kapangyarihan na mag-distribute ng ayuda sa mga apektadong nasasakupan sa panahon ng ECQ ay klaro namang pamumulitika. Huwag sanang gamitin ang ayuda, na pera naman ng taong-bayan, para sirain at pahinain ang mga maaaring katunggali sa 2022. Ito ay isang pag-abuso ng kapangyarihan.
Nagsimula ang kalbaryo ni Mayor Isko ng lumabas ang mga presidential at vice-presidential surveys kung saan pumapangalawa siya sa mag-amang Duterte at Mayor Sara.
Asahan natin na magtutuloy pa ang mga ganitong “harassment” sa mga susunod na araw.
The post Mayor Isko at ang pagkapangulo, dinala sa putikan ni Duterte appeared first on Bandera.
No comments: