Dok, saan nakukuha ang almorans o hemorrhoids?


Dok, saan nakukuha ang almorans o hemorrhoids?
by Doktor Doktor Lads

Ang hemorrhoids o almoranas ay mga namamagang mga ugat sa may anus (butas ng puwit) o rectum. May dalawang klase ng almoranas, internal at external. Ang internal hemorrhoids ay nasa loob ng anus at ang external hemorrhoids naman ay nasa labas.

Mas madalas na nakikita ang external hemorrhoids sa mga may almoranas at kadalasan ay mas masakit ito. Ang almoranas ay nagdudulot ng sakit, matinding pangangati sa puwitan at hirap sa pag-upo. Ngunit hindi mo kailangang magdusa sa almoranas dahil kaya itong gamutin.

Ang mga ugat sa anus ay nababatak kapag nagkakaroon ng pressure dito at maaari itong lumobo o mamaga. Ang mga swollen veins (hemorrhoids) ay dulot ng pagkakaroon mataas na pressure sa lower rectum. Ang mga bagay na nagdudulot ng mataas na pressure ay ang hirap at pagpilit na ilabas ang dumi, pag-upo ng matagal sa toilet, chronic diarrhea (pagtatae) at constipation (pagtitibi), obesity (sobrang katabaan), pagbubuntis dahil lumalaki ang uterus kaya nagbibigay ito ng pressure sa mga ugat sa colon, anal intercourse, low-fiber diet.

Mas madalas na magkaroon ng almoranas habang tumatanda dahil ang mga laman o tissues na nakapaligid sa mga ugat sa ating rectum at anus ay humihina at mabilis nababanat dahil sa katandaan.

Senyales at Sintomas ng Almoranas
1. Matinding pangangati sa bahagi ng anus
2. Iritasyon at mahapding pakiramdam sa anus
3. Makakating mga malilit na bukol sa bahagi ng anus
4. Fecal leakage o hindi makontrol ang paglabas ng dumi.
5. Masakit na pakiramdam kapag dumudumi
6. Dugo sa dumi o sa tissue na ginamit sa paghuhugas ng puwit

Ang almoranas ay masakit ngunit hindi naman ito nakamamatay at kadalasan ay gumagaling na lamang ng kusa kahit hindi gamutin. Ngunit kung madalas kang magkaroon ng almoranas, maaari kang magkaroon ng mga sintomas ng anemia tulad ng panghihina, maputlang balat, dahil sa mga dugong nawawala sa iyo, ngunit ito ay madalang lamang.

No comments:

Powered by Blogger.