Paano Makakaiwas sa Hand, Foot and Mouth Disease?


Paano Makakaiwas sa Hand, Foot and Mouth Disease?
Payo ni Doktor Doktor Lads

Marami ngayon ang nagkakaroon ng sakit na hand, foot and mouth disease (HFMD). Napabalita na maging ang anak ng mga artista tulad ni Primo Arellano ay nagkaroon nito. Ang hand, foot, and mouth disease ay isang common na viral infection na madalas nakikita sa mga batang limang taong gulang pababa. Kadalasan na nagkakaroon ng lagnat, walang gana sa pagkain, namamaga ang lalamunan at masama ang pakiramdam. Pagkatapos lagnatin, nagsisimulang magkaroon ng mga masasakit at mapulang mga butlig o rashes sa bibig. Magkakaroon din ng mga rashes sa kamay at paa at kung minsan ay nagtutubig pa sa loob. Pwede rin magkaroon ng rashes sa siko, tuhod, puwit at sa may singit.

Kadalasan ay hindi naman lumalala ang HFMD at marami ay gumagaling. pero may mga rare o hindi madalas na komplikasyon tulad ng meningitis, encephalitis o pamamaga ng utak.

Ang virus na nagdudulot ng HFMD ay makikita sa ilong, lalamunan, laway, sa rashes at tae ng mga taong apektado ng sakit na ito. Pwedeng magkaroon ang inyong anak ng HFMD kung madidikit ito sa mga taong may sakit na HFMD, makalanghap ng hangin na may virus na nagdudulot ng HFMD o nahatsingan o naubuhan ng taong may HFMD, pwede ring makuha kapag nahawakan ang tae o dumi ng taong may HFMD, o mahawakan ang mga bagay na contaminated ng virus na nagdudulot ng HFMD. Pwede itong makuha sa mga paliguan tulad ng swimming pool na contaminated ng virus na nagdudulot ng HFMD.

Para maiwasan na magkaroon ng HFMD, palaging maghugas ng kamay gamit ang sabon at tubig. Lalo na kung hahawak ng dumi. Laging linisin ang mga bagay na hinahawakan o isinusubo ng inyong mga anak. Iwasan muna ang paghalik, pagyakap o paggamit ng mga gamit mula sa isang taong may HFMD.

Kapag mayroon kang HFMD, magpagaling muna sa inyong bahay. Kumonsulta sa inyong doktor upang malaman kung may mga pwedeng ibigay na gamot at kung kailan pwede nang bumalik sa eskwelahan o makisalamuha sa ibang tao.

Source: Centers for Diseae Control and Prevention

No comments:

Powered by Blogger.