Lambanog: Pwede magdulot ng methanol poisoning na nakakabulag at nakakamatay
Lambanog: Pwede magdulot ng methanol poisoning na nakakabulag at nakakamatay (kapag mali ang paraan ng paggawa nito)
By Doktor Doktor Lads
Ang lambanog o coconut wine ay may natural na taglay na methanol. Hindi ito nakakalason kapag sobrang baba lang ng concentration nito. Pero kapag mali ang pagkakagawa ng lambanog pwede tumaas ang methanol concentration at pwede itong magdulot ng pagkamatay.
Mabilis na naaabsorb sa ating bituka ang methanol. Namemetabolize ito at nagiging formic acid na nakakalason dahil hindi kaya ng katawan natin na alisin ito. Kapag nakainom ka ng lambanog na mataas ang methanol content pwede kang makaranas ng pagkahilo, hirap ibalanse ang katawan, pananakit ng tiyan at ulo, at pagsusuka. Pagkatapos ay pwedeng mahirapan sa paghinga ang pasyente. Pwedeng manlabo ang paningin o mabulag mula sa methanol poisoning. Kapag marami ang nainom na lambanog na may mataas na methanol content, pwede macomatose, magkombulsyon o mamatay ang isang tao. Kapag nakasurvive mula sa methanol poisoning, pwedeng mabulag o maapektuhan ang paningin habambuhay.
Para makaiwas sa methanol poisoning, bumili lang ng alak sa rehistrado at lehitimong nagbebenta nito. Tingnan lagi ang label ng mga alak. Kapag nakaranas ng mga sintomas na nabanggit kumonsulta agad sa hospital upang mabigyan ng lunas at maiwasan ang pagkamatay. Ingat po tayong lahat!
PAALALA: Hindi lahat ng lambanog ay nagdudulot ng methanol poisoning. Bumili lang sa registered na nagbebenta para makasigurong tama ang distillation at fermentation at hindi mataas ang methanol content nito.
No comments: