COA, DPWH naghain ng ikalawang batch ng ebidensya sa Ombudsman vs. anomalya sa flood control.
Inihain ngayong Huwebes, Setyembre 18, 2025, sa Office of the Ombudsman ang ikalawang batch ng Fraud Audit Report na muling nagbubunyag ng umano’y ghost projects sa Bulacan na kinasasangkutan ng ilang opisyal ng DPWH at mga construction firm.
Personal na isinumite nina Commission on Audit (COA) Chairperson Gamaliel Cordoba at DPWH Secretary Vince Dizon ang ulat na naglalaman ng ebidensya laban sa mga substandard at hindi natapos na proyekto ng Wawao Builders at TopNotch Catalyst Builders Inc./One Frame Construction Inc.
“Itong hakbang na ito ay batay sa August 12 memorandum para sa fraud audit, kasunod ng direktiba ng Pangulo na tiyaking managot ang mga sangkot,” pahayag ni Cordoba.
Sa nasabing referral, kabilang sa mga itinurong responsable sa ghost project sa Angat River, Barangay Sipat, Plaridel sina dating District Engineer Henry C. Alcantara, Engr. Ernesto C. Galang, at Mark Allan V. Arevalo ng Wawao Builders.
“Nakakagalit ito—ngayon lang ako nakakita ng ganitong klaseng kawalang-hiyaan. Inakala nilang untouchable sila at hindi mananagot,” mariing sinabi ni Secretary Dizon.
Natukoy rin ang isa pang ghost project sa Barangay Bunsuran (Purok 4), Pandi, Bulacan, kung saan isinangkot sina Alcantara, dating Assistant District Engineer Brice Ericson D. Hernandez, at ilang iba pang engineer, pati na si Gian Carlo Galang, managing officer ng TopNotch Catalyst Builders/One Frame Construction, kasama ang mga opisyal at board members ng kumpanya.
Dagdag pa ni Dizon, “Wala kaming tigil dito. Sa mga susunod na araw at linggo, makikipagtulungan kami sa ICI.”
Samantala, tiniyak ni Cordoba na nakahanda ang COA na makipagtulungan sa DPWH sa pagpapatupad ng geo-tagging system upang masubaybayan ang before-and-after ng mga proyekto, gayundin ang system integration sa pagitan ng DPWH, PCAB, at iba pang ahensya para sa mas malinaw na project monitoring dashboard.
No comments: