Tips Para Maging Malakas at Masigla


Noong nakaraan, nabanggit natin ang mga tips na pampalakas tulad ng magpahinga, kumain ng balanse at mag-ehersisyo. Heto pa ang mga dagdag payo:
  1. Mag-isip ng positibo. Magkaroon ng confidence at layunin sa buhay. 
  2. Magpapayat kung mataba. Kapag overweight ka, lagi kang gutom o inaantok. Kumain lang ng sapat. Umiwas sa mga matatabang pagkain at junk foods. Mag-eherisyo para pumayat.
  3. Magpataba naman kung payat. Kung kulang ka naman sa timbang, baka kailangan mong kumain ng pagkaing may protina, tulad ng nilagang baka, adobong baboy at sabaw ng manok. Pampalakas ito at pampataba din.
  4. Matulog ng 7-8 oras. Ayon sa pagsusuri, ang 7-8 oras ay sapat na. Kung 5 oras lang ang tulog mo, siguradong pagod at aantukin ka sa umaga. Kung 10 oras naman ang tulog mo, tatamarin ka rin sa umaga. Depende sa edad ang tamang haba ng tulog. Ang mga bata ay puwedeng matulog ng 9 na oras pero ang may edad ay sapat na sa 7 oras ng tulog.
  5. Mag-siyesta at magpahinga. Kahit 15 minutos lang ng pahinga ay puwede na.
  6. Magbakasyon. Wow, ito talaga ang pampalakas, tulad ng tatlong araw na bakasyon sa probinsya o sa beach. Kaya lang, hindi lahat ay may gagastusin para magbakasyon.
  7. Magpa-araw sa umaga. Ang morning sun ay nagbibigay ng lakas sa katawan. Kailangan natin ng araw para makagawa ng vitamin D. Ngunit huwag din magpapa-araw ng mula 10 AM to 4 PM. Masama din ang ultraviolet rays na dala ng matinding sikat ng araw.
  8. Lagyan ng kulay ang iyong paligid. Pintahan ang iyong bahay. Bumili ng makukulay na dekorasyon sa bahay. Ayon sa pagsusuri, ang kulay na pula ay nagbibigay ng panandaliang energy. Ang kulay green naman ay maaliwalas sa mata at maganda sa nag-ta-trabaho. 
  9. Makinig ng musika. Makinig ng paborito mong musika na nagbibigay sa iyo ng sigla. Huwag puro sad songs at baka malungkot ka lang. Piliin ang musika na nagpapasigla sa iyo. 
  10. Uminom ng 8-10 basong tubig. Kapag kulang ka sa tubig, manghihina ka rin.
  11. Huwag gumamit ng energy tablets at droga (amphetamines, shabu, ecstasy). Umiwas din sa energy drinks. Masama ito sa katagalan.
  12. Kung laging pagod, alamin kung bakit kaya. Minsan ang pagkapagod ay senyales ng pagkakaroon ng sipon, trangkaso o ibang sakit. Magpatingin sa doktor.
  13. Magdasal at humingi ng lakas. Magbasa ng Bibliya at mga librong nagbibigay ng inspirasyon. Ang ating asawa, anak at mahal sa buhay ang sadyang nagbibigay sa atin ng lakas at kasiyahan sa buhay.

No comments:

Powered by Blogger.